Ang kwento ng PALITAN PARA SA KALIKASAN ng Barangay San Bartolome ay nagsimula sa pangarap namin na maibahagi ang yaman ng aming lupa sa mas maraming tao lalo na sa mga kabarangay namin na kapos sa pagtustos para sa mga pangangailangan nila partikular sa pagkamit ng masustansyang pagkain. Sa Barangay San Bartolome, ang pagtatanim ay hindi lamang isang hanapbuhay, ito ay isang tradisyon na ipinapasa sa bawat henerasyon. Ang aming mga tagapangalaga ay may malalim na kaalaman sa pag-aalaga ng halaman, gamit ang mga tradisyonal na pamamaraan na pinagsasama ang paggalang sa kalikasan.
Ang aming misyon magbigay ng mataas na kalidad na mga sariwang gulay sa aming mga mamimili, kasabay ng pagsusulong sa kabuhayan ng aming komunidad at pagtataguyod ng responsableng agrikultura. Higit pa rito, layunin naming makamit ang isang malinis, malusog, at masustansyang lipunan kung saan ang bawat kalakal na ipinapalit ay may katumbas na masustansyang gulay na makakatulong sa pagkamit ng kalusugang pangunahin at pag-iwas sa mga sakit na pinapangarap ng bawat isa.
Ang aming bisyon ay maging isang kinikilalang pangunahing mapagkukunan ng natural at masustansyang mga produkto, na nagbibigay-inspirasyon sa iba na pahalagahan at tangkilikin ang mga produktong lokal, at aktibong sumuporta sa mga magsasaka sa kani-kanilang mga komunidad. Hangad din naming maging modelo sa pagtataguyod ng isang napapanatiling sistema ng palitan na nagpapahalaga sa kalikasan at nag-aambag sa isang mas luntiang kinabukasan para sa susunod na henerasyon.